
Ilalantad sa publiko ang mas pinaganda at mas pinalaking PBB house at ang bagong housemates ng hosts na sina Toni Gonzaga at Bianca Gonzalez, kasama ang bagong dagdag na sina Robi Domingo at Martin Concio sa kick-off show na pinamagatang “PBB Unlimited: The Big Fiesta.”
“Talagang mas maganda ito kesa sa nakaraan. Kumpara sa ibang seasons, ito na yata ang pinakabonggang season ng PBB,” hirit pa ni Toni.
Sa ikaapat na regular season na ito tampok ang unlimited na kombinasyon ng housemates, unlimited na aliw at drama, unlimited na karanasan, at unlimited na mga posibilidad.
Hindi naman maitago ni Robi ang excitement sa pagho-host ng programang nagbigay-daan sa karera niya sa showbiz. Naging housemate siya noong 2008 sa “PBB Teen Edition Plus,” kung saan siya ang itinanghal na second placer.
“Talagang masaya ako. Dahil naging housemate na ako dati, sa tingin ko makaka-relate ako sa mga mangyayari sa loob ng bahay na pwede kong maibahagi sa mga manonood,” sambit ni Robi.
Para naman kay Martin, dating host ng “Music Uplate Live,” isang panibagong hamon ang pagho-host ng pinakasikat na reality show sa bansa.
Sambit pa niya, “Fan na talaga ako ng series mula pa noong nagsimula ito, noong panahon pa nina Sam Milby. Ngayon, sobrang masaya akong hindi lang ako taga-suporta ng programa kundi talagang parte na nito.”
Halu-halong emosyon naman ang naramdaman ni Bianca sa pagbabalik ng programa dahil muli niyang makakatrabaho ang mga dating kasamahan simula nang mag-host siya sa “PBB Teen Edition.”
“Nakakatuwang maging parte ng PBB kasi hindi lang kami ni Toni ang nag-grow, pati ‘yung mga kasamahan namin sa show,” sabi ni Bianca.
Sa ginanap na auditions noong nakaraang Marso hanggang Setyembre, nakapagtala ang matagumpay na franchise mula sa Endemol ng pinakamataas na bilang ng auditionees na 30,789. Mula dito, nakuha ang iba’t ibang nakakaantig na kwento ng mga taong nais makapasok sa Bahay ni Kuya.
Tampok ang mga istoryang ito sa “PBB Unlimited: The Audition Stories” na magsisimula ngayong Lunes (Oktubre 24). Todo rin ang pagkakawanggawa dahil sa espesyal na seryeng ito ay pagkakalooban ng tulong ni Kuya ang mga piling auditionees na nangangailangan nito.
Noong Lunes (Oktubre 17) naman ay nagsimula na ang pag-uulat ng hosts sa “PBB Unlimited Update” tungkol sa paghahanda ng muling pagbubukas ng Bahay ni Kuya at pagpasok ng bagong housemates.
Tutukan ang “PBB Unlimited Update” gabi-gabi tuwing “Maria La Del Barrio” at “100 Days to Heaven.” Saksihan ang pagbubukas ng pinakasikat na bahay sa bansa at kilalanin ang pinakabagong housemates nito sa “PBB Unlimited: The Big Fiesta” ngayong Sabado (Oktubre 29) ng gabi, live sa ABS-CBN.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento